Skip to content
The Believer's Library

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025

Psalms 143 OASD

Side by side with the Father's Heart Bible™

Awit na isinulat ni David.

1Panginoon, dinggin nʼyo ang aking panalangin.Dinggin po ninyo ang aking pagsusumamo.Tulungan po ninyo ako dahil kayo ay matuwid at tapat.

2Huwag nʼyong hatulan ang inyong lingkod,dahil walang sinumang matuwid sa inyong harapan.

3Tinugis ako ng aking mga kaaway.Tinalo ako at inilagay sa madilim na bilangguan;tulad ako ng isang taong matagal nang patay.

4Kaya nawalan na ako ng pag-asa,at punong-puno ng takot ang puso ko.

5Naalala ko ang inyong mga ginawa noong una;pinagbulay-bulayan ko ang lahat ng inyong ginawa.

6Itinaas ko ang aking mga kamay sa inyoat nanalangin,kinauuhawan ko kayo tulad ng tuyong lupana uhaw sa tubig.

7Panginoon, agad nʼyo akong sagutin.Nawawalan na ako ng pag-asa.Huwag nʼyo akong layuan, baka akoʼy mamatay.

8Bawat umaga, ipaalala nʼyo sa akinang inyong pag-ibig,dahil sa inyo ako nagtitiwala.Ipakita nʼyo sa akin ang tamang daanna dapat kong daanan,dahil sa inyo ko ipinagkakatiwala ang aking buhay.

9Panginoon, iligtas nʼyo akosa aking mga kaaway,dahil sa inyo ako humihingi ng kalinga.

10Turuan nʼyo akong sundin ang inyong kalooban,dahil kayo ang aking Diyos.Patnubayan sana ako ng inyong butihing Espiritusa landas na walang kapahamakan.

11Iligtas nʼyo ako, Panginoon, para kayo ay maparangalan.Dahil kayo ay matuwid, iligtas nʼyo ako sa kaguluhan.

12Alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin na inyong lingkod,lipulin nʼyo ang aking mga kaaway.

Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™ Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc. ‌‌ Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc. ‌‌ Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office. Ginamit nang may pahintulot. ‌‌ “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc. Used with permission.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025 · Creative Commons - Attribution-ShareAlike [CC BY-SA]