Skip to content
The Believer's Library

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025

Hosea 3 OASD

Side by side with the Father's Heart Bible™

Si Hoseas at ang Kanyang Asawa

1Sinabi ng Panginoon sa akin, “Umalis ka at ipakita mong muli ang iyong pagmamahal sa iyong asawa kahit na nangangalunya siya. Mahalin mo siya katulad ng pagmamahal ko sa mga mamamayan ng Israel kahit na sumasamba sila sa ibang mga diyos at gustong maghandog sa kanila ng mga tinapay na may mga pasas.”

2Kaya binili ko siya sa halagang labinlimang pirasong pilak at apat na sakong sebada. 3At sinabi ko sa kanya, “Makisama ka sa akin ng mahabang panahon, at huwag ka nang sumiping sa ibang lalaki. Kahit ako ay hindi muna sisiping sa iyo.”

4Nangangahulugan ito na sa mahabang panahon ang mga Israelita ay mawawalan ng hari, pinuno, mga handog, alaalang bato, espesyal na damit sa panghuhula, at mga diyos-diyosan. 5Ngunit sa bandang huli, magbabalik-loob silang muli sa Panginoon nilang Diyos at sa lahi ni David na kanilang hari. Buong paggalang silang lalapit sa Panginoon dahil sa kanyang kabutihan.

Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™ Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc. ‌‌ Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc. ‌‌ Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office. Ginamit nang may pahintulot. ‌‌ “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc. Used with permission.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible 2025 · Creative Commons - Attribution-ShareAlike [CC BY-SA]